a portrait of Lola
Lahat ng litrato sa kagandahang-loob ni Alex Tizon at ng kanyang pamilya

Ang Alipin ng Pamilya Ko

Tumira siya sa amin ng 56 taon. Pinalaki niya ako at ang mga kapatid ko nang walang bayad. Ako ay 11, isang tipikal na Amerikanong bata, bago ko nalaman kung sino siya.

Read this article in English. | 点击这里阅读中文版本


Pumanaw si Alex Tizon noong Marso. Siya ay mamamahayag na nanalo ng Papremyong Pulitzer at may-akda ng Big Little Man: In Search of My Asian Self. Para sa higit pa tungkol kay Alex, mangyaring tingnan ang tala ng editor na ito.


Napuno ng abo ang itim na plastik na kahon na halos kasing laki ng toaster. Tumitimbang ito ng tatlo at kalahating libra. Inilagay ko ito sa canvas tote bag at inimpake sa aking maleta nitong nakaraang Hulyo para sa trans-pacific flight patungong Maynila. Mula roon ay maglalakbay ako gamit ang kotse ko patungo sa lalawigang nayon. Nang dumating ako, ibinigay ko ang lahat na natira ng babae na ginugol ang 56 taon bilang alipin sa sambahayan ng aking pamilya.

Magazine Cover image

Explore the June 2017 Issue

Check out more from this issue and find your next story to read.

View More

Ang pangalan niya ay Eudocia Tomas Pulido. Tinawag namin siyang Lola. Siya ay 4 na talampakan 11 pulgada, na kulay kayumangging-kapeng balat at almendras na mga mata na nakikita ko pa rin kapag tinitingnan ko ang sa akin—ang una kong alaala. 18 taong gulang siya nang ibigay siya ng lolo ko sa nanay ko bilang regalo, at nang lumipat ang pamilya ko sa Estados Unidos, isinama namin siya. Walang ibang salita kundi alipin ang nakapalibot sa buong buhay niya. Nagsimula ang mga araw niya bago pa magising ang lahat at natatapos pagkatapos naming mahiga. Naghahanda siya ng tatlong pagkain araw-araw, naglilinis ng bahay, naghihintay sa mga magulang ko, at inaalagaan ako at ang apat kong kapatid. Hindi siya kailanman pinasuweldo ng mga magulang ko, at lagi nila siyang pinagagalitan. Hindi siya nanatiling may renda sa paa, ngunit maaaring nagkaroon din siya noon. Napakaraming gabi, sa pagtungo ko sa palikuran, nakita ko siyang natutulog sa sulok, nakasalagmak sa tambak na labahin, dinadakma ng mga daliri niya ang damit sa gitna ng kanyang pagtitiklop.

Para sa aming mga Amerikanong kapitbahay, mga modelo kaming imigrante, isang karatulang pamilya. Sinabi nila iyon sa amin. Nagtapos ng abogasya ang ama ko, ang aking ina naman ay malapit nang maging doktor, at ako at ang mga kapatid ko ay nakakuha ng matataas na marka at laging nagsasabi ng “pakisuyo” at “salamat.” Hindi namin kailanman naikuwento ang tungkol kay Lola. Ang sekreto namin ay nakarating sa kaibuturan ng kung sino kami at, kahit man lamang kaming mga anak, kung ano ang nais namin maging.

Matapos mamatay ang ina namin sa lukemya, noong 1999, tumira si Lola kasama ko sa maliit na nayon ng hilagang Seattle. Nagkaroon ako ng pamilya, ng trabaho, at bahay sa labas ng lungsod—ang pangarap ng isang Amerikano. At pagkatapos ay nagkaroon ako ng alipin.

***

Sa kuhanan ng bagahe sa Maynila, binuksan ko ang siper ng maleta ko upang tiyakin na naroon parin ang mga abo ni Lola. Sa labas, nalanghap ko ang pamilyar na amoy, ang makapal na pinaghalong tambutso at basura, ng karagatan at matamis na prutas at pawis.

Maaga nang sumunod na umaga nakakita ako ng isang tsuper, isang mapitagang lalaking nasa katamtamang edad na may palayaw na “Doods,” at tinahak namin ang daan gamit ang kanyang trak na nagpapaliku-liko sa trapiko. Tinaranta akong lagi ng eksena. Ang hindi mabilang na mga kotse at motorsiklo at mga dyip. Nakikipagpatintero ang mga tao sa pagitan nila at patuloy sa paglakad sa mga bangketa sa malalaking kulay-putik na ilog. Ang mga nakayapak na nagtitinda sa daan ay patakbu-takbo sa gilid ng mga sasakyan, naglalako ng mga sigarilyo at gamot sa ubo at mga sako ng nilagang mani. Idinidikit ng mga batang pulubi ang kanilang mga mukha sa mga salamin.

Si Doods at ako ay papunta sa lugar kung saan nagsimula ang kuwento ni Lola, paakyat ng norte sa gitnang kapatagan: Probinsya ng Tarlac. Ang bayan ng bigas. Ang tahanan ng sundalong tenyenteng ngumunguya ng tabako na si Tomas, Asuncion, ang lolo ko. Inilarawan ng mga kuwento ng pamilya si Tenyente Tom bilang isang kakila-kilabot na tao dahil sa kaibahan at magaspang na ugali, na nagmamay-ari ng maraming lote ngunit kaunti ang pera at nagtago ng mga kerida sa magkakahiwalay na bahay sa kanyang lupain. Namatay ang kanyang asawa sa panganganak sa kanilang nag-iisang anak, ang nanay ko. Pinalaki siya sa pamamagitan ng hanay ng mga utusan, o “mga taong tumatanggap ng mga utos.”

Ang pang-aalipin ay may mahabang kuwento sa kanilang mga isla. Bago dumating ang mga Kastila, inaalipin ng mga taga-isla ang ibang mga taga-isla, karaniwan ay mga bihag ng digmaan, mga kriminal, o mangungutang. Ang mga alipin ay may iba’t ibang uri, mula sa mga mandirigma na maaari nilang makamit ang kanilang kalayaan sa pamamagitan ng kagitingan sa mga nagsisilbing kasambahay  na itinuring bilang pag-aari at maaaring ipagbili o ikalakal. Ang mga aliping may mataas na katayuan ay maaaring magmay-ari ng mga aliping may mababang katayuan, at ang mababa ay maaaring magmay-ari ng pinakamababa. Pinili ng iba na pumasok sa paninilbihan para mabuhay: Bilang kapalit ng kanilang pagtatrabaho, maaari silang bigyan ng pagkain, tirahan at proteksyon.

Nang dumating ang mga Kastila, noong 1500, inalipin nila ang mga taga-isla at pagkatapos ay nagdala ng Aprikano at Indiano na mga alipin. Sa wakas ay sinimulang alisin ng Kastilang Monarka ang pang-aalipin sa tahanan at sa mga nasasakupan nito, ngunit ang mga bahagi ng Pilipinas ay lubhang kalat-kalat kaya hindi nabantayang mabuti ng mga awtoridad. Ang mga tradisyon ay lumala sa ilalim ng iba’t ibang pagkukunwari, kahit pagkatapos makontrol ng U.S. ang mga isla noong 1898. Ngayon kahit ang mahirap ay maaaring magkaroon ng mga utusans o katulongs (“mga lingkod”) o mga kasambahay (“mutsatsa”), hangga’t may mga tao na mas mahihirap. Malalim ang balon.

Si Tenyente Tom ay nagkaroon ng halos tatlong pamilyang mga utusan na naninirahan sa kanyang ari-arian. Noong tagsibol ng 1943, kasama ang mga isla sa ilalim ng pananakop ng Hapones, nagdala siya ng isang batang babae mula sa libis ng nayon. Siya ay pinsan mula sa laylayang bahagi ng pamilya, mga magsasaka. Tuso si tenyente—nakita niya ang babaeng ito na walang pera, hindi nakapag-aral, at malamang na magiging malambot. Gusto siyang ipakasal ng kanyang mga magulang sa magbababoy na dalawang beses ang tanda sa kanya, at talagang hindi masaya ngunit walang mapupuntahan. Inalok siya ni Tom: Bibigyan siya ng pagkain at matutuluyan kung mangangako siya na aalagaan ang kanyang anak na babae, na katatapos pa lamang maging 12 taon.

Sumang-ayon si Lola, hindi nauunawaan na ang kasunduan ay panghabambuhay.

“Regalo ko siya sa iyo,” ang sabi ni Tenyente Tom sa nanay ko.

“ Ayaw ko sa kanya,” ang sabi ng nanay ko, kahit alam niya na wala siyang pagpipilian.

Umalis si Tenyente para labanan ang mga Hapones, naiwan si Mama kasama ni Lola sa kanyang lumang bahay sa probinsya. Pinakain, inayusan, at binihisan ni Lola ang nanay ko. Noong naglalakad sila patungo sa palengke, hawak ni Lola ang payong para takpan siya mula sa araw. Sa gabi, kapag tapos na ang ibang gawain ni Lola—pinapakain ang mga aso, nagbubunot ng sahig, nagtitiklop ng sinampay na nilabhan niya gamit ang kamay sa Ilog ng Camiling—nakaupo siya sa gilid ng higaan ng nanay ko at pinapaypayan siya sa kanyang pagtulog.

Si Lola Pulido (Ipinakikita sa kaliwa sa edad na 18) ay nagmula sa mahirap na pamilya sa probinsyang bahagi ng Pilipinas. Ang lolo ng may-akda ang “nagbigay” sa kanyang anak bilang isang regalo.

Isang araw noong panahon ng digmaan dumating sa bahay si Tenyente Tom at nahuling nagsisinungaling si nanay—bagay na may kinalaman sa isang batang lalaki na hindi niya dapat kinakausap. Sa galit ni Tom, inutusan niya siyang “tumayo sa mesa.” Yumukyok si Mama kasama si Lola sa isang sulok. Pagkatapos, nangangatal ang boses na sinabi niya sa kanyang ama na tatanggapin ni Lola ang parusa para sa kanya. Tumingin si Lola kay Mama na nagmamakaawa, pagkatapos ay walang imik na lumakad patungo sa hapag-kainan at hinawakan ang dulo ng mesa. Itinaas ni Tom ang sinturon at ibinigay ang 12 latigo, na binibigyang-diin ang bawat isang salita. Huwag. Kang. Magsinungaling. Sa. Akin. Huwag. Kang. Magsinungaling. Sa. Akin. Walang inimik si Lola.

Sa pagsasalaysay ng nanay ko sa kabataan ng kanyang buhay, nagagalak siya sa kapangahasan nito, na sa tono niya ay waring sinasabi na, Maniniwala ka ba na nagawa ko iyon? Nang sabihin ko iyon kay Lola, hiniling niya na pakinggan ko ang bersyon ng Mama ko. Nakinig siyang mabuti, ibinaba ang mga mata, at pagkatapos ay tiningnan niya ako nang may kalungkutan at sinabi lamang na, “Oo. Ganoon nga iyon.”

Pitong taon pagkatapos, noong 1950, pinakasalan ng aking ina ang aking ama at lumipat sa Maynila, kasama si Lola. Matagal nang pinaghahanap si Tenyente Tom ng mga demonyo, at noong 1951 ay pinatahimik siya gamit ang .32-kalibreng banat sa kanyang sentido. Halos hindi ikuwento ng Mama ko ang tungkol dito. Nakuha niya ang pag-uugali nito—pabagu-bago ng ugali, mapagmataas, lihim na marupok—at itinamin niya ang mga leksyon niya sa kanyang puso, kasama sa mga iyon ang wastong paraan kung paano maging probinsyanang matrona: Dapat mong yakapin ang iyong papel bilang tagapagbigay ng mga utos. Dapat mo iyong panatilihin sa iyong ilalim sa kanilang lugar sa lahat ng oras, para sa kanilang sariling kabutihan at ang kabutihan ng sambahayan. Maaari silang umiyak at magreklamo, ngunit magpapasalamat ang kanilang mga kaluluwa. Mamahalin ka nila dahil sa pagtulong sa kanila kung ano ang nilalayon ng Diyos.

Si Lola sa edad na 27 kasama si Arthur, ang nakatatandang kapatid ng may-akda, bago dumating sa E.U.

Isinilang ang kuya kong si Arthur noong 1951. Sumunod ako, kasunod ng tatlo ko pang mga kapatid nang sunod-sunod. Inasahan ng mga magulang ko na magiging kasing tapat sa aming mga anak si Lola katulad ng ginawa niya sa kanila. Habang inaalagaan niya kami, pumasok sa eskwelahan ang mga magulang ko at nagkaroon ng mga nangungunang titulo, kasama ang mga ranggo ng marami pang iba na may mamahaling mga diploma ngunit walang mga trabaho. Pagkatapos ay malaking pagbabago: Inalok si Papa ng trabaho sa Ugnayang Panlabas bilang commercial analyst Maliit lamang ang sahod, ngunit ang posisyon ay sa America – isang lugar kung saan siya at ang aking ina ay pinangarap puntahan, kung saan ang lahat ng kanilang ninanasa ay magkakatotoo.

Pinayagan si Papa na dalhin ang kanyang pamilya at isang katulong. Nang malaman na kailangan nilang magtrabaho pareho, kinailangan nila si Lola para mangalaga sa mga anak at sa bahay. Inabisuhan ng nanay ko si Lola, at sa kanyang labis na pagkainis, hindi agad pumayag si Lola. Lumipas ang ilang taon at sinabi sa akin ni Lola na labis siyang natakot. “Napakalayo nito,” sabi niya. “ Marahil hindi ako papayagan ng Mama at Papa mo na umuwi.”

Sa katapusan ang nakakumbinse kay Lola ay ang pangako ni ama na magiging kakaiba ang mga bagay sa Amerika. Sinabi niya na sa oras na siya at si Mama ay makatayo na sa sarili nilang mga paa, bibigyan siya ng “allowance.” Makakapagpadala ng pera si Lola sa mga magulang niya, sa lahat ng kanyang mga kamag-anak sa nayon. Nakatira ang mga magulang niya sa kubo na may maruming sahig. Maipagpapatayo sila ni Lola ng bahay na bato, na makapagpapabago ng buhay nila magpakailanman. Isipin ninyo.

Lumapag kami sa Los Angeles noong Mayo 12, 1964, ang lahat ng mga gamit namin ay nasa mga kahong cardboard na tinalian ng lubid. Kasama na ng mama ko si Lola sa loob ng 21 taon simula noon. Sa maraming paraan mas naging isang magulang siya sa akin kaysa alinman sa ina o ama ko. Mukha niya ang una kong nakikita sa umaga at ang huli kong nakikita sa gabi. Bilang sanggol, Binanggit ko ang pangalang Lola (na una kong binigkas na “Oh-ah”) matagal pa bago ko natutunang sabihin ang “Mama” o “Papa.” Bilang isang paslit, tumatanggi akong matulog maliban kung karga ako ni Lola, o basta’t malapit siya.

Ako ay 4 na taong gulang nang dumating sa U.S.—napakabata pa para itanong kung anong katayuan ni Lola sa aming pamilya. Ngunit bilang mga kapatid ko at ako na lumaki sa ibang baybayin na ito, nakita namin ang mundo sa ibang paraan. Ang pagtalon sa karagatan na nagdala tungkol sa pagtalon sa pagkamulat na hindi kinaya o nagawa nina Mama at Papa.

***

Hindi kailanman nakakuha ng allowance si Lola. Tinanong niya ang mga magulang ko nang paulit-ulit sa loob ng dalawang taon tungkol sa buhay namin sa Amerika. Nagkasakit nang malubha ang kanyang ina (na kailan ko lamang nalaman na iyon ay disenterya), at hindi kayang bumili ng gamot ng kanyang pamilya na kailangan niya. “Pwede ba?” ang sabi niya sa mga magulang ko. Maaari ba? Bumuntong-hininga si Mama. “ May gana ka pang magtanong?,” Ang sagot ni Ama sa Tagalog. “ Nakikita mo kung gaano tayo naghihirap. Wala ka bang kahihiyan?”

Humiram ang mga magulang ko ng pera para makalipat sa U.S. at pagkatapos ay humiram pa uli para makapanatili. Inilipat ang ama ko mula konsulado heneral sa L.A. patungo sa konsulado ng Pilipinas sa Seattle. Sinahuran siya ng $5,600 kada taon. Kumuha siya ng pangalawang trabaho na paglilinis ng mga trailer, at ang pangatlo ay bilang kolektor ng basura. Nagkaroon ng trabaho si Mama bilang technician sa dalawang medikal laboratoryo. Bihira namin silang makita, at kung makita naman namin madalas ay pagod sila at mahirap pakibagayan.

Umuuwi si Mama at sinusumbatan si Lola sa hindi paglilinis mabuti ng bahay o sa pagkalimot na ipasok ang sulat. “ Hindi ba’t sinabi ko sa iyo na gusto kong naririto na ang mga sulat kapag dumating ako ng bahay?” sasabihin niya sa Tagalog, nakakasakit ng damdamin ang boses niya. “Hindi naman mahirap iyan! Kahit tanga matatandaan iyon.” Pagkatapos ay darating si ama at gagawin naman ang sa kanya. Kapag nagtaas na ng boses si Papa, mahihintakutan na ang lahat sa bahay. Minsan ay pinagtutulungan nila si Lola na paiyakin, na halos na parang iyon ang kanilang layunin.

Nagpalito ito sa akin: Mababait ang mga magulang ko sa mga kapatid ko at sa akin, mahal namin sila. Magiliw sila sa aming mga anak nila maya-maya ay magiging kasuklam-suklam kay Lola. Ako ay 11 o 12 nang magsimulang makita ko nang malinaw ang sitwasyon ni Lola. Simula noon, si Arthur, walong taon na mas matanda sa akin, ay napakatagal na ng panahon na nagngingitngit. Siya ang nagpakilala ng salitang alipin sa pagkaunawa ko kung ano si Lola. Dati sinabi niya na akala ko ay talagang malas lamang siya na miyembro ng sambahayan. Nagalit ako sa mga magulang ko nang sigawan nila siya, ngunit hindi nangyari sa akin na sila—at ang lahat-lahat—ay magiging imoral.

L: Pinalaki ni Lola ang may-akda (sa kaliwa) at ang kanyang mga kapatid, at minsan ay nag-iisang nakatatanda sa bahay ng ilang araw. R: Ang may-akda (pangalawa mula sa kaliwa) kasama ang mga magulang niya, mga kapatid, at si Lola limang taon pagkatapos nilang dumating sa E.U.

“ May kilala ka bang tao na nagtrato sa kanya sa paraan na itinatrato siya?,” ang sabi ni Arthur. “ Sino ang nabubuhay sa paraan na nabubuhay siya?” Binuod niya ang katotohanan ni Lola: Hindi pinasweldo. Hirap sa araw-araw. Nabulyawan sa matagal na pagka-upo o pagkatulog nang napakaaga. Binanatan dahil sa pagsagot. Nagsuot ng mga pinaglumaang damit. Kumain ng mga patapon at tira-tirang pagkain nang nag-iisa sa kusina. Madalang umalis ng bahay. Walang mga kaibigan o libangan sa labas ng pamilya. Walang mga pribadong tulugan. (Ang nakatalaga niyang lugar para tulugan sa bawat bahay na tinirhan namin ay laging kung ano ang natitira—ang papag o lugar na tambakan o sulok ng silid-tulugan ng kapatid kong babae. Madalas siyang nakakatulog sa mga tambak na labahin.)

Hindi namin matukoy ang katumbas saanman maliban sa mga karakter na alipin sa TV at sa mga pelikula. Natatandaan ko ang panonood ng Western na tinatawag na The Man Who Shot Liberty Valance. Ginagampanan ni John Wayne si Tom Doniphon, ang rantserong de-baril na sumisigaw kapag nag-uutos sa tagasilbi niya na si Pompey, na tinatawag niya siyang kanyang “boy.” Sunduin mo siya, Pompey. Pompey, humanap ka ng doktor. Bumalik ka na sa trabaho, Pompey! Maamo at masunurin, tinatawag ni Pompey ang kanyang amo na “Mistah Tom.” Masalimuot ang kanilang relasyon. Pinagbabawalan ni Tom si Pompey sa pagpasok sa paaralan ngunit bukas ang daan para kay Pompey na uminom sa bar na para lamang sa mga puti. Bago ang katapusan, iniligtas ni Pompey ang amo niya mula sa isang sunog. Malinaw na natatakot at mahal niya si Tom, at nagluksa siya nang mamatay si Tom. Ang lahat ng ito ay kaugnay sa pangunahing kwento ng pagtutuos nina Tom at ng masamang lalaki na si Liberty Valance, ngunit hindi maalis ang mga mata ko kay Pompey. Natatandaang iniisip ko na: Si Lola ay si Pompey, Si Pompey ay si Lola.

Isang gabi nang malaman ni Papa na hindi nakakain ng hapunan ang kapatid kong babae na si Ling, na noon ay 9, binulyawan niya si Lola sa pagiging tamad. “ Sinubukan kong pakainin siya,” ang sabi ni Lola, habang nakatayo si Papa at nakatitig sa kanya. Lalo lamang nagpagalit sa kanya ang mahina niyang pagtatanggol, at sinuntok siya sa ibaba ng kanyang balikat. Tumakbo papalabas ng silid si Lola at narinig ko ang kanyang pagtaghoy, ang iyak ng isang hayop.

“Sinabi ni Ling na hindi siya nagugutom,” Sabi ko.

Binalingan ako ng tingin ng mga magulang ko. Waring nagulat sila. Naramdaman ko ang pagkibit ng mukha ko na karaniwang sinusundan ng luha, ngunit hindi ako umiyak sa pagkakataong ito. Sa mga mata ng Mama ko ay may anino ng isang bagay na hindi ko pa nakita dati. Pagseselos?

“ Ipinagtatanggol mo ba ang Lola mo?,” Ang sabi ni Papa. “Iyan ba ang ginagawa mo?”

“Sinabi ni Ling na hindi siya nagugutom,” Sabi ko.

Ako ay 13 taong gulang. Ito ang kauna-unahan kong pagsubok na manindigan para sa babaeng ginugol ang mga araw niya sa pagbabantay sa akin. Ang babae na dating humihimig ng Tagalog na mga awitin habang idinuduyan niya ako sa pagtulog, at nang tumanda ako ay nagbibihis at nagpapakain sa akin at naghahatid sa paaralan sa umaga at sumusundo sa hapon. Minsan, noong ako ay nagkasakit nang matagal at napakahina para kumain, dinudurog niya ang pagkain para sa akin at inilalagay ang maliliit na piraso sa bibig ko para malunok. Isang tag-araw nang ang pareho kong binti ay may semento (nagkaroon ako ng problema sa kasu-kasuan), pinaliguan niya ako gamit ang panghilod na damit, dinalhan ng gamot sa kalagitnaan ng gabi, at tinulungan ako sa lahat ng buwan ng aking pagpapagaling. Uminit ang ulo ko sa lahat ng ito. Hindi siya nagreklamo o nawalan ng pasensya kahit kailan.

Nabaliw ako nang marinig ko siyang tumataghoy.

***

Sa dating bansa, sa tingin ng mga magulang ko ay hindi kailangang itago ang kanilang pagtrato kay Lola. Sa Amerika, trinato nila siya nang mas malala ngunit inalis ang pananakit para maitago ito. Kapag dumarating ang mga bisita,  hindi papansinin ng mga magulang ko o di kaya’y, kapag tinanong, nagsisinungaling at agad binabago ang usapan. Sa loob ng limang taon sa North Seattle, nakatira kami sa tapat ng daan mula sa mga Missler, isang napakasayang pamilya na unang nagpakilala sa amin ng mga bagay katulad ng mustasa, pangingisda ng salmon, at paggugupit ng mga damo. Football sa TV. Sumisigaw sa oras ng football. Lalabas si Lola para maghain ng pagkain at mga inumin sa oras ng laro, at ngingiti ang mga magulang ko at magpapasalamat sa kanya bago siya agad mawala. “Sino ang maliit na babaeng iyon na laging nasa kusina?,” Ang tanong minsan ni Big Jim, ang apo ng Missler. Kamag-anak mula sa dati naming tahanan, Ang sagot ni Papa. Hiyang-hiya.

Hindi iyon kinagat ni Billy Missler, ang matalik kong kaibigan. Gumugol siya ng sapat na oras sa bahay namin, minsan ay sa buong mga huling araw ng linggo para silipin ang sekreto ng pamilya ko. Minsan ay narinig niya na sumisigaw sa kusina ang nanay ko, at nang puwersahan siyang pumasok para mag-imbestiga nakita niya ang namumulang mukha ni Mama at nakatitig kay Lola, na nanginginig sa isang sulok. Dumating ako pagkaraan ng ilang segundo. Ang hitsura ng mukha ni Billy ay pinaghalong pagkahiya at pagkalito. Ano iyon? Pinalampas ko iyon at sinabi sa kanyang kalimutan na ito.

Sa tingin ko ay naaawa si Billy kay Lola. Ipinagmalaki niya ang tungkol sa kanyang pagluluto, at pinatatawa siya na hindi ko nakita dati. Sa oras ng pakikitulog, gumagawa siya ng paborito niyang pagkaing Pinoy, ang bakang tapa sa ibabaw ng kanin. Pagluluto ang nag-iisang kahusayan ni Lola. Masasabi ko dahil sa inihain niya, pinapakain man niya kami o magsasabi man na mahala niya kami.

Nang minsang sabihin ko na si Lola ay malayong tiyahin, ipinaalala sa akin ni Billy na noong unang nagkakilala kami sinabi ko sa kanya na lola ko siya.

“Uhm, parang parehong ganun,” misteryoso kong sinabi.

“Bakit lagi siyang nagtatrabaho?”

“Gusto niyang nagtatrabaho,” sabi ko.

“Ang papa at mama mo—bakit sinisigawan nila siya?”

“Mahina ang pandinig niya …”

Ang pag-amin ng totoo ay mangangahulugan ng pagbubunyag sa aming lahat. Ginugol namin ang unang dekada sa bansa na pinag-aaralan ang mga paraan ng bagong bansa at sinusubukang umangkop. Hindi angkop ang pagkakaroon ng alipin. Ang pagkakaroon ng alipin ay nagbigay sa amin ng grabeng alinlangan tungkol sa kung anong uri ng mga tao kami, at anong uri ng lugar ang aming pinagmulan. Karapat-dapat man kaming tanggapin o hindi. Hiyang-hiya ako sa lahat ng ito, kabilang ang pakikipagsabwatan ko. Hindi ba’t kinain ko ang pagkain na niluto niya, at sinuot ang mga damit na nilabhan niya at plinantsa at isinabit sa aparador? Ngunit ang mawala siya ay naging nakapanlulumo.

May isa pang dahilan ng sekreto: Napaso ang mga papel sa paglalakbay ni Lola noong 1969, limang taon pagkatapos naming dumating sa U.S. Dumating siyang may espesyal na pasaporte na may kaugnayan sa trabaho ng ama ko. Pagkatapos ng serye ng pagbagsak niya kasama ang kanyang mga nakatataas, nagbitiw si Papa sa konsulado at idineklara ang layunin ng kanyang paninirahan sa Estados Unidos. Isinaayos niya ang permanent-resident status para sa kanyang pamilya, ngunit hindi naging karapat-dapat si Lola. Dapat ay ibinalik niya siya.

Si Lola sa edad na 51, noong 1976. Namatay ang nanay niya ilang taon bago kinuha ang litratong ito, ang ama niya ilang taon pagkatapos. Parehong pagkakataon na gustong-gusto niyang umuwi sa kanyang tahanan.

Ang ina ni Lola na si, Fermina, ay namatay noong 1973; ang kanyang ama na si, Hilario, noong 1979. Gustung-gusto niyang umuwi sa mga panahong iyon. Sa mga panahong iyon sinabi ng mga magulang ko na “Pasensya.” Walang pera, walang oras. Kailangan siya ng mga bata. Natatakot din ang mga magulang ko para sa kanilang mga sarili, inamin nila iyon sa akin kalaunan. Kung nalaman ng mga awtoridad ang tungkol kay Lola, na tiyak na malalaman nila kung sinubukan niyang umalis, malamang na nagkaproblema ang mga magulang ko, posibleng napabalik sa sariling bansa. Hindi nila ito kayang ibulgar. Ang legal na status ni Lola ay naging tinatawag ng mga Filipino na tago nang tago, o TNT—“nagtatago.” Nanatili siyang TNT nang halos 20 taon.

Pagkatapos mamatay pareho ng kanyang mga magulang, nagtampo at nanahimik si Lola nang ilang buwan. Madalang siyang sumagot kapag pinagmamalupitan siya. Ngunit hindi natapos ang pagmamalupit. Laging nakayuko si Lola at ginagawa ang trabaho niya.

***

Nang magbitiw sa trabaho ang ama ko nagsimula ang maligalig na panahon. Naging mas mahigpit sa pera, at naging marahas sa isa’t isa ang mga magulang ko. Paulit-ulit na nagpalipat-lipat ang pamilya namin—Seattle patungong Honolulu pabalik sa Seattle tungo sa southeast Bronx at sa wakas sa bayan ng hintuan ng trak ng Umatilla, Oregon, na may populasyon na 750. Sa panahon ng lahat ng pagpapaikot-ikot na ito, laging nagtatrabaho si Mama nang 24- oras na rilyebo, una bilang medical intern at pagkatapos ay bilang isang residente, at si Papa ay nawawala ng ilang araw, nagtatrabaho ng kakaibang mga trabaho ngunit (sa ibang pagkakataon ay nalaman namin) na nambababae at sinong nakakaalam ng kung ano pa. Minsan, umuwi siya sa bahay at sinabi sa amin na naiwala niya ang aming bagong station wagon sa paglalaro ng blackjack.

Sa loob ng ilang araw na magkakasunod si Lola ang nag-iisang matanda sa bahay. Napag-alaman niya ang mga detalye ng buhay namin sa paraan na hindi nagkaroon ng puwang sa pag-iisip ang mga magulang ko. Nagdala kami ng mga kaibigan sa bahay, at nakinig siya sa kuwento tungkol sa paaralan at mga babae at mga lalaki at anupaman na nasa isip namin. Mula lamang sa mga usapan na narinig niya, makakapaglista siya ng pangalan ng bawat babaeng hinangaan ko simula noong nasa ikaanim na baitang ako hanggang highschool.

Noong ako ay edad 15, umalis na nang tuluyan si Papa. Ayaw kong paniwalaan ito noong panahong iyon, ngunit ang katotohanan na iniwan niya kaming mga anak at inabandona ang Mama ko pagkatapos ng 25 taon ng pag-aasawa. Hindi siya naging lisensyadong doktor sa sumunod na taon, at ang kanyang espesyalidad—internal medicine—ay hindi naging espesyal na kapaki-pakinabang. Hindi nagbayad ng child support si tatay, kaya laging naging problema ang pera.

Tinatagan ng mama ko ang sarili niya para makapasok siya sa trabaho, ngunit sa gabi ay dinudurog siya ng awa sa sarili at kawalan ng pag-asa. Ang pangunahin niyang pinagmumulan ng kaginhawahan sa panahong ito: si Lola. Dahil madaling magalit si Mama dahil sa maliliit na bagay, mas inasikaso pa siya ni Lola—ipinagluluto ng paboritong mga pagkain ni Mama, naglilinis ng kanyang silid-tulugan nang may dagdag na pag-iingat. Nakita ko silang dalawa sa counter ng kusina malalim na ang gabi, na dumadaing at nagkukwentuhan tungkol kay Papa, minsan ay nagtatawan nang masama, sa ibang pagkakataon ay nagtatrabaho sila upang labanan ang galit. Halos hindi nila kami napapansin na mga bata na mabilis na naglalabas-masok.

Isang gabi narinig ko ang Mama ko na umiiyak at tumatakbo papunta sa salas at nakitang umalampay siya sa mga bisig ni Lola. Kinakausap siya nang mahinahon ni Lola, sa paraan na kinasanayan nilang gawin sa mga kapatid ko at sa akin noong mga bata pa kami. Umali-aligid ako, pagkatapos ay bumalik sa silid ko, natakot ako para sa mama ko at humanga kay Lola.

***

Humuhuni si Doods. Naidlip ako sa naramdaman ko na parang isang minuto at nagising sa kanyang masayang himig. “ Dalawang oras pa,” ang sabi niya. Tiningnan ko ang plastik na kahon sa tote bag sa gilid ko—naroon pa rin—at tumingala para makita ang bukas na daan. Ang Mac-Arthur Highway. Sumulyap ako sa oras na iyon. “Uy, sabi mo ‘dalawang oras’ dalawang oras ang nakakaraan,” sabi ko. Humuni lang si Doods.

Nakahinga ako nang maluwag na hindi niya nalalaman ang anumang bagay tungkol sa layunin ng paglalakbay ko. Patuloy ang pakikipag-usap ko sa aking sarili. Hindi ako naging mas mabuti kaysa sa mga magulang ko. Dapat ay may ginawa akong mas higit pa para palayain si Lola. Para maging mas mabuti ang buhay niya. Bakit hindi ko iyon ginawa? Isinumbong dapat ang mga magulang ko, palagay ko. Nabulgar sana agad ang pamilya ko. Sa halip, itinago namin sa aming sarili ang lahat, mga kapatid ko at ako, at sa halip na pasabugin nang agaran, nasira nang dahan-dahan ang pamilya ko.

Dumaan kami ni Doods sa magandang probinsya. Hindi isang magandang brosyur sa paglalakbay ngunit tunay at buhay at, kumpara sa lungsod, namumukod-tanging elegante. Ang mga kabundukan ay kahanay ng highway sa bawat panig, ang Mga Kabundukan ng Zambales sa kanluran, ang Hanay ng Sierra Madre sa Silangan. Mula sa gulod patungong gulod, kanluran patungong silangan, nakikita ko ang bawat klase ng kulay berde hanggang sa halos itim.

Itinuro ni Doods ang malabong balangkas sa malayo. Ang Bulkang Pinatubo. Nagpunta ako dito noong 1991 para iulat ang resulta ng pagputok nito, ang pangalawa sa pinakamalaki ng ika-20 siglo. Ang putik na umaagos mula sa bulkan na tinatawag na lahar ay nagpatuloy nang mahigit isang dekada, naglibing sa sinaunang mga nayon, pumuno sa mga ilog at batis, at ganap na nagwasak sa buong kapaligiran. Umabot ang lalim ng lahar sa mga paanan ng bundok ng probinsya ng Tarlac, kung saan ginugol ng mga magulang ni Lola ang buong buhay nila, at kung saan siya at ang mama ko ay minsang nanirahan nang magkasama. Napakarami sa tala ng pamilya namin ang nasira ng mga digmaan at baha, at ngayon ang ibang parte ay nalibing sa ilalim ng 20 talampakang putik.

Ang buhay dito ay madalas na binibisita ng kataklismo. Mga nakamamatay na bagyo na tumatama ilang beses sa isang taon. Ang mga paghihimagsik ng bandido na walang katapusan. Natutulog na mga bundok na isang araw ay magpapasyang gumising. Ang Pilipinas ay hindi katulad ng Tsina o Brasil, na maaaring mahithit ng pinsala ang masa ng lupa. Ito ay isang bansa ng nagkalat na bato sa dagat. Kapag tumatama ang sakuna, lumulubog sandali ang lugar. Pagkatapos ay magpapaibabaw na muli at magpapatuloy ang buhay, at maaari mong masdan ang tanawin katulad ng isa na dinadaan namin ni Doods, at ang simpleng katotohanan na naroon parin ang nagpapaganda rito.

Palayan sa Mayantoc, malapit kung saan isinilang si Lola
***

Ilang taon matapos maghiwalay ang aking mga magulang, nagpakasal muli ang aking ina at hiningi ang katapatan ni Lola sa kanyang bagong asawa, isang Kroatyanong imigrante na nagngangalang Ivan, na nakilala niya sa pamamagitan ng isang kaibigan. Hindi nakatapos ng highschool si Ivan. Apat na beses na siyang nagpakasal at isang pusakal na magsusugal na nasisiyahan sa pagiging suportado ng aking ina at pinagsisilbihan ni Lola.

Naipalabas ni Ivan ang ibang ugali ni Lola hindi ko pa nakita. Ang kanyang kasal sa aking ina ay hindi maganda sa umpisa pa lamang, at ang salapi – lalo na ang paggamit niya ng kanyang salapi – ang pinakapangunahing isyu. Minsan sa panahon ng kanilang pagtatalo kung saan umiiyak ang aking Ina at si Ivan ay sumisigaw, lumakad si Lola at pumagitan sa kanila. Bumaling siya kay Ivan at madiin na sinabi ang kanyang pangalan. Tumingin siya kay Lola, kumurap, at naupo.

Ako at ang aking kapatid na si Inday ay napaupo sa sahig. Si Ivan ay nasa 250 na libra, at ang kanyang baritono ay maaring makayanig ng mga pader. Pinatahimik siya ni Lola gamit ang isang salita. Nakita ko na itong nangyari nang ilang beses, ngunit kadalasan ay pinagsisilbihan ni Lola si Ivan nang walang tanung-tanong, sa kung papaano gusto ni Mama. Ako ang nahihirapang manood kay Lola habang nagpapaalila siya sa ibang tao, lalo na sa isang katulad ni Ivan. Ngunit ang estado na nakapagpagalit sa akin para sa aking Ina ay isang bagay na masyadong makamundo.

Nagagalit siya sa tuwing nagkakasakit si Lola. Ayaw niyang harapin ang pagkaabala at gastos, at aakusahan niya si Lola na pinipeke o pinapabayaan nito ang kanyang sarili. Pinili ni Mama ang pangalawang taktika kung saan, sa mga huling bahagi ng 1970, nagsimulang malagas ang mga ngipin ni Lola. Ilang buwan na niyang sinasabi na masakit ang kanyang bibig.

“Iyan ang nangyayari kapag hindi ka nagsisipilyo nang maayos,” sabi ni Mama sa kanya.

Sinabi ko na kailangan ni Lola na magpadentista. Nasa 50 na siya at hindi pa nakapunta ni minsan. Pumapasok ako sa kolehiyo isang oras ang layo, at binabanggit ko ito nang paulit-ulit sa madalas kong pagbiyahe pauwi. Isang taon ang lumipas, tapos dalawa. Umiinom ng aspirin si Lola araw-araw, at ang kanyang ngipin ay parang Stonehenge na gumuguho. Isang gabi, matapos ko siyang panoorin na ngumuya ng tinapay sa gilid ng kanyang bibig na mayroon pang ilang bagang, hindi na ako nakapagpigil.

Nagtalo kami ni mama nang gabing iyon, bawat isa sa amin ay humihikbi sa iba’t-ibang mga punto. Sinabi niya na pagod na siyang kumayod nang sagad sa trabaho para suportahan ang lahat, at pagod na sa kanyang mga anak na palaging pumapanig kay Lola, at bakit hindi nalang namin kunin ang magaling na si Lola, unang-una ayaw niya naman sa kanya at hiniling niya sa Diyos na sana hindi siya nagkaanak ng isang mapagmataas, nagbabanal-banalang huwad na katulad ko.

Inunawa ko ang mga salita niya. Pagkatapos ay binalikan ko siya, at sinabi ko na alam niya ang lahat tungkol sa pagiging huwad, ang kanyang buong buhay ay isang pagbabalat-kayo, at kapag tumigil siya sa pagkaawa sa kanyang sarili sa loob ng isang minuto makikita niya na hindi na halos makakain si Lola dahil ang kanyang mga ngipin ay nabubulok na sa kanyang ulo, at hindi niya ba maisip kahit ngayon lang bilang isang tunay na tao sa halip na isang alipin na pinananatiling buhay para paglingkuran siya?

“Isang alipin,” sabi ni Mama, tinitimbang ang salita. “Isang alipin?”

Natapos ang gabing iyon nang idineklara niya na hindi ko kailanman maiiintindihan ang kanyang relasyon kay Lola. Hindi kailanman. Sobrang garalgal ng kanyang boses at nasasaktan na pag-iisipin ito ngayon, pagkalipas ng maraming taon, sa pakiramdam ay parang isang suntok sa sikmura. Napakahirap na bagay ang kamuhian ang iyong sariling ina, at ng gabing iyon nagawa ko. Ang tingin sa kanyang mga mata ay malinaw na ganun din ang nararamdaman niya sa akin.

Ang away ay lalo lamang nagpatindi sa takot ni Mama na ninakaw ni Lola ang mga anak mula sa kanya, at pinagbayad niya si Lola para dito. Mas pinahirapan siya ni Mama. Pinahirapan siya sa pagsabing, “Sana masaya ka na ngayon na kinamumuhian ako ng mga anak mo.” Kapag tinutulungan namin si Lola sa mga gawaing bahay, nagpupuyos sa galit si Mama. “Mas mabuti na matulog ka na ngayon, Lola,” sasabihin niya nang may panunuya. “Masyado kang nahihirapan sa trabaho. Nag-aalala sa iyo ang mga anak mo.” Maya-maya ay dadalhin niya si Lola sa kwarto para kausapin, at lalabas si Lola na mugto ang mga mata.

Sa wakas ay nagmakaawa sa amin si Lola na itigil na ang pagtatangka namin na tulungan siya.

Bakit ka nananatili? tanong namin.

“Sinong magluluto?” sabi niya, na ang ibig sabihin, Sino ang gagawa ng lahat? Sino ang mag-aalaga sa amin? Kay Mama? Sa isa pang pagkakataon sinabi niya, “Saan ako pupunta?” Pumasok ito sa isipan ko na mas malapit sa totoong sagot. Ang pagpunta sa Amerika ay kagyat, at bago pa kami makahinga isang dekada na ang lumipas. Umikot kami, at pangalawang dekada na ang muling magsasara. Pumuti na ang buhok ni Lola. Narinig niya ang mga kamag-anak sa kanyang pinaggalingan na hindi nakatanggap ng ipinangakong suporta ay nagtataka kung ano ang nangyari sa kanya. Nahihiya siyang bumalik.

Wala siyang mga kontak sa Amerika, at walang pasilidad para lumibot. Palaisipan sa kanya ang mga telepono. Mga di-mekanikong bagay – mga ATM, mga intercom, mga vending machine, kahit ano na may keyboard – ay nagdudulot ng pagkataranta sa kanya. Wala siyang imik sa mga mabibilis magsalita ng mga tao, at gayun din sila sa kanyang mali-maling Ingles. Hindi niya kayang magsagawa ng pakikipag-pulong, magsaayos ng biyahe, o mag-order ng pagkain nang walang tumutulong.

Ikinuha ko si Lola ng ATM card na konektado sa aking account sa bangko at tinuruan siya kung paano ito gamitin. Nagtagumpay siya minsan, ngunit sa pangalawang pagkakataon nataranta siya, at hindi na niya muling sinubukan. Itinago niya ang card dahil itinuturing niya ito na regalo mula sa akin.

Sinubukan ko rin siyang turuan magmaneho. Iniiwas niya ang ideya sa pagkumpas ng kanyang kamay, ngunit sinundo ko siya at kinarga ko siya papunta sa sasakyan at inilagay siya sa upuan ng drayber, kapwa kami tumatawa. Gumugol ako ng 20 minuto sa mga kontrol at mga panukat. Ang kanyang mga mata ay nagbago, mula sa paghalakhak ay nasindak. Noong binuksan ko ang ignisyon at umilaw ang dashboard, nasa labas na siya ng kotse at sa loob na ng bahay bago pa ako nakapagsalitang muli. Sinubukan ko pang muli nang maraming beses.

Inisip ko na ang pagmamaneho ay magpapabago sa kanyang buhay. Maaari siyang makapamasyal. At kung sakaling hindi na niya kayang tagalan si Mama, maari siyang magmaneho palayo kailanman.

***

Ang apat na linya ay naging dalawa, ang palitada ay naging graba. Ang mga drayber ng traysikel ay humabi sa pagitan ng mga sasakyan at ang kalabaw ay humihila ng mga kargang kawayan. Manaka-nakang may aso o kambing ang humarurot patawid ng kalsada sa harap ng aming trak, halos madaplisan na ang bumper. Hindi kailanman nabagabag si Doods. Anuman ang hindi makatawid ay magiging sabaw ngayon sa halip na bukas – ang tuntunin sa kalsada sa mga probinsya.

Inilabas ko ang mapa at tinalunton ang ruta papunta sa nayon ng Mayantoc, ang aming destinasyon. Sa labas ng bintana, sa kalayuan, ang mga maliliit na pigura ay nakatiklop sa bewang na tila maraming balikong  pako. Nag-aani ng palay ang mga tao, kaparehas kung papaano ito ginagawa sa loob ng libu-libong taon. Papalapit na kami.

Tinapik ko ang mumurahing plastik na kahon at nagsisisi sa hindi pagbili ng totoong uma, gawa sa porcelana o palorosas. Ano ang iisipin ng mga kakilala ni Lola? Ngayon na marami na ang umalis. Iisang kapatid na lamang ang natitira sa lugar, si Gregoria, 98 taong gulang, at sinabi sa akin na ang kanyang memorya ay pumapalya. Sinabi ng kamag-anak na sa tuwing maririnig niya ang pangalan ni Lola, bigla siyang hahagulgol sa pag-iyak at agad na malilimutan kung bakit.

L: Si Lola at ang may-akda noong 2008. R: Ang awtor kasama ang kapatid ni Lola na si Gregoria.

Nakikipag-ugnayan ako sa isa sa mga pamangkin ni Lola. Plinano na niya ang araw: Noong dumating ako, isang simpleng memoryal, tapos panalangin, sinundan ng paglilibing ng mga abo sa Mayantoc Eternal Bliss Memorial Park. Limang taon na ang nakakalipas mula nang mamatay si Lola, ngunit hindi ko pa nasasabi ang huling paalam na alam kong mangyayari na. Nararamdaman ko ang matinding kalungkutan buong araw at pinipigilan ko ang simbuyo na lumabas ito, hindi ko gustong humagulgol sa harap ni Doods. Higit pa sa kahihiyan na nararamdaman ko kung paano ang pagtrato ng aking pamilya kay Lola, higit pa sa pagkabalisa tungkol sa kung paano ako tatratuhin ng mga kamag-anak niya sa Mayantoc, naramdaman ko ang matinding bigat ng pagkawala niya, na para bang namatay lamang siya noong nakaraang araw.

Bumaling si Doods pahilagang-kanluran sa Romulo Highway, tapos ay matalim na lumiko sa Camiling, ang bayan kung saan nagmula si Mama at Si Tenyente Tom. Ang dalawang linya ay naging isa, tapos ang graba ay naging dumi. Ang landas ay tumatakbo sa kahabaan ng Ilog ng Camiling, Tumpok ng mga bahay na gawa sa kawayan sa gilid, berdeng burol sa unahan. Ang pinakadulo.

***

Ibinigay ko ang parangal sa libing ni Mama, at lahat ng sinabi ko ay totoo. Na siya ay matapang at masigla. Na minalas siya minsan, ngunit ginagawa niya ang pinakamakakaya. Na siya ay nagliliwanag kapag siya ay masaya. Na mahal niya ang kanyang mga anak, at binigyan niya kami ng totoong tahanan – sa Salem, Oregon – na sa panahon ng ’80 at ’90 ay naging permanenteng lugar na hindi kami nagkaroon noon. Na nais kong makapagpasalamat minsan pa. Na lahat kami ay nagmamahal sa kanya.

Hindi ko binanggit si Lola. Kung paano kong pinili na alisin sa isipan ko si Lola noong nasa piling ako ni Mama sa kanyang huling mga taon. Ang mahalin ang aking ina ay kinakailangan para sa ganoong uri ng pagpapagaling sa isip. Ito lamang ang paraan para maging mag-ina kami – na gusto ko, lalung-lalo na matapos magsimulang humi ang kanyang kalusugan, sa kalagitnaan ng ’90. Diabetes. Kanser sa suso. Malamang myelogenous lukemia, isang kansser na mabilis kumalat sa dugo at sa buto. Mula sa pagiging malusog hanggang sa manghina sa loob lamang ng magdamag.

Matapos ang matinding away, halos iniwasan ko nang umuwi ng bahay, sa edad na 23 ay lumipat ako sa Seattle. Noong bumisita ako nakakita ako ng pagbabago. Si Mama ay si Mama pa rin, ngunit hindi na kasing lupit. Pinagawan niya si Lola ng magandang klase ng pustiso at hinayaan niya siya na magkaroon ng sariling kwarto. Nakipagtulungan siya noong ipinabago namin ang TNT na kalagayan ni Lola. Ang landmark immigration bill ng 1986 ni Ronald Reagan ay nagpalaya sa milyun-milyong mga ilegal na mga dayuhan na karapat-dapat para sa amenestiya. Mahabang proseso iyon ngunit naging mamamayan si Lola noong Oktubre 1998, apat na buwan matapos masuri ang aking ina na may lukemya. Nabuhay pa si Mama ng isang taon.

Sa mga panahong iyon, siya at si Ivan ay bumiyahe papunta sa Lungsod ng Lincoln, sa baybayin ng Oregon, at minsan isinasama nila si Lola. Gustung-gusto ni Lola ang dagat. Sa kabilang panig ay ang mga isla na pinapangarap niyang balikan. At hindi kailanman naging mas masaya si Lola maliban noong mahinahon si Mama na kasama siya. Isang hapon sa baybayin o 15 minuto lamang na pagmumuni-muni sa kusina tungkol sa mga dating araw sa probinsya, at para bang nakakalimutan ni Lola ang taon ng paghihirap.

Hindi ako madaling makalimot. Ngunit nakita ko si Mama sa ibang liwanag. Bago siya namatay, ibinigay niya sa akin ang kanyang mga talaarawan, dalawang puno ng sulat. Bawat pahina ng mga ito habang namamahinga siya sa malapit, nasulyapan ko ang ilang bahagi ng kanyang buhay na tinanggihan kong makita nang ilang taon. Pumasok siya sa paaralan ng medisina na hindi ginagawa ng karamihan sa kababaihan. Pumupunta siya sa Amerika at ipinaglaban ang respeto sa kapwa kababaihan at imigranteng manggagamot. Nagtrabaho siya ng dalawang dekada sa Fairview Training Center, sa Salem, isang institusyon sa estado para sa may kapansanan sa paglaki. Ang kabalintunaan: Ipinagtatanggol niya ang mga inaapi sa halos buong panahon ng kanyang buhay propesyonal. Hinahangaan nila siya. Ang mga kasamahan na kababaihan ay naging mga malapit na kaibigan. Ginawa nila ang mga nakakatawa, mga gawaing pambabae – pamimili ng sapatos, pagsasagawa ng mga kasiyahan at bahay ng bawat isa, pagpapalitan ng mga kakatwang regalo tulad ng hugis-ari na mga sabon at mga kalendaryo ng halos nakahubad na mga lalaki, lahat habang humahagalpak ng tawa. Kung titingnan ang kanilang mga larawan sa kasiyahan ay nagpapaalala sa akin na nagkaroon ng buhay at pagkakakilanlan si Mama bukod sa pamilya at kay Lola. Siyempre.

Isinulat ni Mama nang detalyadong-detalyado ang tungkol sa bawat isa sa kanyang mga anak, ano ang naramdaman nila sa amin sa isang ibinigay na araw – maipagmamalaki o kaibig-ibig o panghihinanakit. Naglaan siya nang marami para sa kanyang mga asawa, sinusubukang unawain bilang kumplikadong mga karakter sa kanyang kwento. Kaming lahat ay tao na may kahihinatnan. Si Lola ay insidental. Kapag siya ay nabanggit, siya ay karakter na bahagya sa kwento ng iba. “Inihatid ni Lola ang pinakamamahal kong si Alex sa kanyang bagong paaralan ngayong umaga. Sana’y magkaroon siya ng mga bagong kaibigan kaagad para hindi siya malungkot sa muling paglipat…” Maaring mayroon pang ilang pahina tungkol sa akin, at wala ng iba pang pagbanggit kay Lola.

Isang araw bago namatay si Mama, isang Paring Katoliko ang pumunta sa bahay para magsagawa ng huling seremonya. Naupo si lola katabi ng higaan ng aking ina, may hawak na tasa na may panghithit, nakapwesto para itaas ito sa bibig ni Mama. Naging mas atentibo siya sa aking ina, at mas mabait. Maaari na niyang samantalahin ang pagiging mahina ni Mama, o maningil ng paghihiganti, ngunit ginawa niya ang kabaligtaran.

Tinanong ng pari si Mama kung mayroon bang kahit sinong guto niyang patawarin o hingan ng kapatawaran. Iginala niya ang kanyang paningin sa kwarto gamit ang nambibigat na mga mata, walang sinabi. Pagkatapos, nang hindi tinitignan si Lola, itinaas niya ang kanyang kamay at ipinatong sa ulo ni lola. Wala siyang sinabing kahit ano.

***

Si Lola ay 75 na noong manatili siya sa akin. Kasal ako na may dalawang batang anak na babae, nakatira sa maaliwalas na bahay sa makahoy na lote. Mula sa ikalawang palapag, nakikita namin ang Puget Sound. Binigyan namin si Lola ng kwarto at kalayaan na gawin ang gusto niya: matulog, manood ng mga teleserye, walang gagawin buong araw. Maaari siyang mamahinga – at maging malaya – sa unang pagkakataon sa kanyang buhay. Sana ay nalaman ko na hindi iyong magiging ganoon kadali.

Nakalimutan ko ang mga bagay na ginawa ni Lola na nakakabaliw sa akin nang kaunti. Palagi niyang sinasabi sa akin na magsuot ako ng pangginaw nang sa gayon ay hindi ako sipunin (Nasa 40 na ako). Umaangal siya nang walang humpay tungkol kay Papa at Ivan: Ang tatay ko ay tamad, si Ivan ay linta. Natutunan ko na itama siya. Ang pinakamahirap balewalain ay ang kanyang panatikong pagkakuripot. Wala siyang itinatapon. Tinitingnan niya ang mga basura para makasiguro na wala sa amin ang nakapagtapon ng anumang kapaki-pakinabang. Hinuhugasan at ginagamit niyang muli ang mga tuwalyang papel nang paulit-ulit hanggang sa malansag na ito sa kanyang mga kamay. (Walang sinuman ang lumalapit doon.) Ang kusina ay tambak ng mga bag ng groserya, mga lagayan ng yogurt, at mga garapon ng atsara, at bahagi ng aming bahay ay naging imbakan para sa – walang ibang salita para dito – basura.

Nagluluto siya ng almusal kahit na walang sinuman sa amin ang kumakain nang higit pa sa saging o granola bar sa umaga, kadalasan kapag kami ay palabas ng pinto. Inaayos niya ang aming mga higaan at naglalaba ng aming damit. Nililinis niya ang bahay. Nakita ko ang aking sarili na sinasabi sa kanya, nang maayos noong una, “Lola, hindi mo na kailangang gawin iyan.” “Lola, kami na ang gagawa.” “Lola, trabaho iyan ng mga babae.” Okay, sasabihin niya, ngunit patuloy pa ring gagawin ito.

Naiinis ako kapag nahuhuli ko siya na kumakain nang nakatayo sa kusina, o makita siyang balisa at nag-uumpisang maglinis kapag pumasok na ako sa kwarto. Isang araw, matapos ang ilang buwan, Kinausap ko siya.

“Hindi ako si Papa. Hindi ka alipin dito,” Sabi ko, at inisa-isa ko ang mahabang listahan ng mga bagay na ginagawa niya na parang alipin. Noong napagtanto ko na nabigla siya, huminga ako nang malalim at hinaplos ko ang kanyang mukha, ang maliit na mukha na iyon na masusing nakatingin sa akin. Hinalikan ko ang kanyang noo. “Bahay mo na ito ngayon,” Sabi ko. “Narito ka hindi para pagsilbihan kami. Maari ka nang magpahinga ngayon, okay?’

“Okay,” sabi niya. At muling bumalik sa paglilinis.

Wala siyang ibang alam gawin. Napagtanto ko na kinakailang kong sundin ang sarili kong payo at kumalma. Kung gusto niyang magluto ng hapunan, hayaan siya. Pasalamatan siya at hugasan ang mga pinagkainan. Kinakailangan na palaging kong paalalahanan ang aking sarili: Hayaan mo siya.

Isang gabi dumating ako sa bahay na naabutan ko siyang nakaupo sa sopa, nagsasagot ng palaisipang salita, nakataas ang kanyang paa, nakabukas ang TV. Sa tabi niya, isang tasa ng tsaa. Sumulyap siya sa akin, ngumiti na tila tupa sa perpektong puti niyang mga pustiso, at bumalik sa pagsasagot. May pagbabago, Naisip ko.

Nagtanim siya ng mga hardin sa likod bahay – mga rosas, mga tulip at lahat ng uri ng orkidyas – at ginugol ang buong hapon sa pag-aasikaso rito. Naglakad-lakad siya sa palibot ng kapitbahay. Sa edad na 80, ang kanyang rayuma ay lumala at nagsimula na siyang lumakad ng may tungkod. Sa kusina, mula sa pagiging kusinera sa pagpiprito ay naging parang uri ng bihasang pinuno ng tagapagluto na gagawa lamang kapag pinakilos ng kasiglahan niya. Nagluto siya ng mga masasarap na pagkain at ngumingisi nang may kasiyahan habang nilalamon namin ang mga ito.

Sa pagdaan sa pinto ng kwarto ni Lola, madalas kong marinig na nakikinig siya sa kaseta ng mga katutubong awiting Filipino. Kaparehas na bala nang paulit – ulit. Alam ko na halos ipinapadala niya lahat ng kanyang pera – binibigyan ko at ng asawa ko ng $200 kada linggo – sa mga kamag-anak sa kanila. Isang hapon, nakita ko siya na nakaupo sa liko na kubyerta at pinagmamasdan ang larawan ng kanyang nayon na ipinadala ng isang tao.

“Gusto mong umuwi, Lola?”

Itinaob niya ang larawan at sinalat ng kanyang daliri ang inskripsyon, at ibinaliktad muli at parang pinag-aaralan lahat ng detalye.

“Okay,” sabi niya.

Matapos lamang ang kanyang ika-83 kaarawan, ibinili ko siya ng tiket sa eroplano pauwi. Susunod ako matapos ang isang buwan para ibalik siya sa U.S. – kung gusto niyang bumalik. Ang hindi binanggit na layunin ng kanyang biyahe ay upang makita kung ang lugar na pinaglaanan niya ng napakaraming taon sa pananabik ay mararamdaman pa rin tulad ng isang tahanan.

Nahanap niya ang kanyang sagot.

“Hindi na tulad ng dati ang lahat,” sinabi niya sa akin habang naglilibot kami sa Mayantoc. Ang mga lumang bukirin ay wala na. Wala na rin ang bahay niya. Ang kanyang mga magulang at halos lahat ng kanyang mga kapatid ay wala na. Mga kababata at kung buhay man, ay parang estranghero. Nagagalak ako na makita sila, subalit… ang lahat ay hindi na katulad ng dati. Gusto pa rin niyang gugulin ang natitirang mga taon niya dito, ngunit hindi pa siya handa.

“Handa kana bang bumalik sa iyong hardin,” sabi ko.

“Oo. Umuwi na tayo.”

L: Bumalik si Lola sa Pilipinas para sa mas pinahabang pagbisita pagkatapos ng kanyang ika-83 na kaarawan. R: Si Lola kasama ang kanyang kapatid na si Juliana, nagkasamang muli pagkatapos ng 65 taon.
***

Nakatuon si Lola sa aking mga anak gaya ng pagtuon niya sa aking mga kapatid at sa akin noong bata pa kami. Pagkatapos ng klase, makikinig siya sa kanilang mga kwento at gagawan sila ng makakain. At hindi tulad ng asawa ko at ako (lalo na ako), nasisiyahan si Lola sa kada minuto ng bawat kaganapan at mga pagtatanghal. Hindi niya makalimutan ang mga ito. Uupo siya sa unahan, itinatago ang mga programa bilang alaala.

Napakadaling pasayahin ni Lola. Isinasama namin siya sa mga bakasyon ng pamilya, ngunit sabik siyang pumunta sa pamilihan ng mga magsasaka sa ibaba ng burol. Para siyang batang kumikinang ang mata sa field trip: “Tignan mo ang mga pipinong iyon!” Ang unang bagay na ginagawa niya kada umaga ay buksan ang lahat ng mga persyana sa bahay, at sa bawat bintana, hihinto siya para tumingin sa labas.

Tinuruan niya ang sarili niya na bumasa. Pambihira iyon. Sa loob ng mga taon, kahit papaano ay natutunan niya ang tunog ng bawat letra. Ginagawa niya ang mga puzzle na iyon kung saan hahanapin at bibilugan ang mga salita sa loob ng bloke ng mga letra. Ang kanyang kwarto ay tambak ng puzzle – na – salita na mga librito, libu-libong salita ay may bilog ng lapis. Araw – araw siyang nanood ng balita at pinapakinggan ang mga salita na kanyang nakikilala. Tinatrayangguluhan niya ito ng mga salitang nasa dyaryo, at inaalam ang mga ibig sabihin. Binabasa niya ang dyaryo araw – araw, harap hanggang likod. Sinasabi ni Papa na payak siya. Pinagninilayan ko kung ano kaya siya kung, sa halip na magtrabaho sa sakahan sa edad na 8, ay natuto siyang sumulat at bumasa.

Si Lola sa edad na 82

Sa panahon ng 12 taon na tumira siya sa aming bahay, Tinanong ko siya ng mga bagay tungkol sa kanyang sarili, sinusubukan na pagtagpiin ang kwento ng kanyang buhay, isang gawi na kataka-taka sa kanya. Sa aking mga pagtatanong madalas niyang isasagot agad ang “Bakit”? Bakit gusto kong malaman ang tungkol sa kanyang kabataan? Tungkol sa kung paano niya nakilala si Tinyente Tom?

Sinubukan kong alamin ang tungkol sa buhay pag-ibig niya sa pamamagitan ng kapatid ko na si Ling, sa palagay na magiging palagay siya sa kanya. Pumalatak si Ling, na iyon ang paraan niya para sabihin na ako ang bahala sa gusto ko. Isang araw, habang inililigpit ni Lola ang mga pinamili, basta ko na lamang ito itinanong: “Lola, naging romantiko kaba sa kahit kanino?” Ngumiti siya, at ikuwenento niya ang nag-iisang panahon na naging malapit sila. Siya ay halos 15, at mayroon isang guwapong lalaki na nagngangalang Pedro mula sa katabing bukid. Sa loob ng ilang buwan ay nag-ani sila ng palay nang magkaagapay. Isang beses, nahulog niya ang kanyang bolo – isang gamit na pamputol – at mabilis niya itong pinulot at ibinalik sa kanya. “Gusto ko siya,” sabi niya.

Katahimikan.

“At?”

“Tapos lumipat siya,” sabi niya.

“At?”

“Iyon lang.”

“Lola, naranasan mo bang makipagtalik?,” narinig ko ang sarili ko na nagtanong.

“Hindi,” sabi niya.

Hindi siya sanay na tinatanong ng mga personal na tanong. “Katulong lang ako,”sasabihin niya. Katulong lang ako. Madalas siyang magbigay ng isa – o – dalawang salitang mga sagot, at ang pagbibiro ng kahit pinakasimpleng kwento ay isang laro ng 20 mga tanong na tatagal ng ilang araw o ilang linggo.

Ilan sa mga nalaman ko: Masama ang loob niya kay Mama sa pagmamalupit sa loob ng mga taong iyon, ngunit gayunman namimis niya siya. Kung minsan, noong bata pa si Lola, nakakaramdam siya ng matinding pagkalungkot at ang tanging magagawa niya ay umiyak. Alam ko na mayroong mga taon na pinangarap niyang may makasamang lalaki. Nakita ko iyon sa kung papaano niya ipinupulupot ang kanyang sarili sa isang malaking unan sa gabi. Ngunit ang sinabi niya sa akin sa kanyang matandang gulang na sa pamumuhay kasama ang mga asawa ni Mama naisip niya na hindi ganoon kasama mag-isa. Hindi niya na-miss ang dalawang iyon. Maaaring ang kanyang buhay ay mas naging maayos kung nanatili siya sa Mayantoc, nagpakasal at nagkaroon ng pamilya tulad ng kanyang mga kapatid. Ngunit maaaring mas naging malala. Dalawa sa nakababatang kapatid na babae, sina Francisca at Zepriana, ay nagkasakit at namatay. Ang kapatid na si Claudio ay napatay. Ano ngayon ang punto ng pagmumuni-muni tungkol dito? tanong niya. Bahala na ang kanyang gabay na prinsipyo. Ano man ang mangyari. Ang dumating sa kanya ay ibang uri ng pamilya. Sa pamilyang iyon, nagkaroon siya ng walang anak: si Mama, ang apat kong mga kapatid at ako, at ngayon ang aking dalawang anak. Kaming walo, sabi niya, ang nagbigay ng halaga sa kanyang buhay.

Wala sa amin ang nakahanda sa kanyang biglaang pagpanaw.

Ang kanyang atake sa puso ay nag-umpisahabang siya naghahanda ng hapunan at ako ay may inaasikaso. Nang bumalik ako nasa kalagitnaan siya nito. Makalipas ang ilang oras sa ospital, bago ko maunawaan kung ano ang nangyayari, wala na siya – 10:56 p.m. Alam na ng lahat ng mga bata at mga apo, ngunit hindi sigurado kung paano tatanggapin, na namatay siya noong Nobyembre 7, kaparehas ng araw ng kay Mama. Sa pagitan ng labindalawang taon.

Umabot si Lola ng 86. Nakikita ko pa rin siya sa gurney. Natatandaan ko ang pagtingin ng mga manggagamot sa kayumangging babae na halos kasinlaki ng isang bata at iniisip na wala silang alam sa naging buhay niya. Wala siyang makasariling ambisyon na nagpapakbo sa halos lahat sa atin, at ang kanyang kahandaan na ibigay ang lahat para sa mga tao sa paligid niya ang nakakuha sa aming pagmamahal at magpahayag ng katapatan sa kanya. Naging isa siyang huwarang tao sa aking malawak na pamilya.

Inabot ako ng ilang buwan sa pagiisa-isa sa kanyang mga kahon sa atik. Nakakita ako ng mga resipe na ginupit niya mula sa mga magasin noong 1970 na balang araw ay matututunan niyang basahin. Mga album ng litrato na may mga larawan ng aking Mama. Mga gantimpala na natanggap ko at ng mga kapatid ko mula sa mababang paaralan, na halos lahat ay naitapon na namin at “itinago” niya. Halos hindi ko kayanin isang gabi noong sa pinakailalim ng kahon ay nakita ko ang tambak ng mga naninilaw na artikulo sa dyaryo na isinulat ko at matagal nang nakalimutan. Hindi pa siya nakakabasa noon, ngunit itinago pa rin niya.

Ang lugar ng tirahan noong kabataan ni Lola
***

Huminto ang trak ni Doods sa isang maliit na kongkretong bahay sa gitna ng hanay ng mga tahanan na halos gawa sa kawayan at makapal na plywood. Sa paligid ng mga bahay: mga palayan, luntian at tila walang katapusan. Bago pa ako makalabas ng trak, nagsimula nang lumabas ang mga tao. Ihinilig ni Doods ang kanyang upuan para umidlip. Isinabit ko ang malaking bag sa aking balikat, huminga, at binuksan ang pinto.

“Dito,” sabi ng malumanay na tinig, at ako ay inakay sa maikling tulayan papunta sa konkretong bahay. Sa aking likuran ay ang pila ng nasa 20 mga tao, bata at matanda, ngunit karamihan ay matanda. Pagkapasok naming lahat sa loob, umupo sila sa mga upuan at mga bangko sa tabi ng pader, binakante ang gitna ng kwarto maliban sa akin. Nanatili akong nakatayo, nag-aantay na makita ang sasalubong. Maliit na kwarto iyon, at madilim. Sumulyap ang mga tao sa akin nang may paghihintay.

“Nasaan si Lola?” Isang boses mula sa kabilang kwarto. Nang sumunod, isang babae na nasa wastong edad na nakadamit pambahay ang dahan-dahang lumakad palapit nang nakangiti. Ako si Ebia, pamangkin ni Lola. Bahay niya ito. Niyakap niya ako at inulit muli, “Nasaan si Lola?”

Libingan ni Lola

Pinadulas ko ang malaking bag mula aking balikat at iniabot iyon sa kanya. Tiningnan niya ako sa mukha, nakangiti pa rin, marahang kinuhaang bag, lumakad papunta sa kahoy na upuan at naupo. Ipinasok niya ang kanyang kamay at kinuha ang kahon sa loob at tiningnan nang magkabila. “Nasaan si Lola?” sabi niya nang malumanay. Ang mga tao sa ganitong bahagi ay hindi madalas na kremahin ang kanilang mahal sa buhay. Hindi ko inisip na alam niya ang dapat asahan. Inilagay niya ang kahon sa kanyang kandungan at iniyuko ang noo sa ibabaw nito, at noong unang akala ko ay tumatawa siya (dahil sa kasiyahan) ngunit agad kong napagtanto na umiiyak siya. Nagsimulang umalog ang mga balikat niya, at siya ay tumangis – isang malalim, kahapis-hapis, alulong hayop, kagaya ng minsan kong narinig mula kay Lola.

Hindi ako nakarating nang mas maaga para ihatid ang mga abo ni Lola nang paunti-unti dahil hindi ako sigurado kung mayroon man dito na nag-aalala nang ganoon sa kanya. Hindi ko inasahan ang ganitong uri ng pagdadalamhati. Bago ko pa aluin si Ebia, isang babae ang lumakad mula sa kusina at iniyakap ang kanyang kamay sa kanya, at nagsimula siyang tumangis. Ang sumunod na bagay na alam ko, napuno ng ingay ang kuwarto. Ang mga matatanda – isa sa kanila ay bulag, marami ay walang ngipin – lahat ay umiiyak at hindi na hindi na nagpigil pa. Tumagal iyon ng halos 10 minuto. Ako ay nabighani na halos hindi ko napansin na tumutulo ang luha ko sa sarili kong mukha. Humina ang mga hikbi, at naging tahimik muli.

Suminghot si Ebia at sinabi na oras na para kumain. Ang lahat ay nagsimulang pumunta sa kusina, mugto ang mga mata ngunit biglang naging magaan at handa nang magkwento. Sumulyap ako sa malaking bag na walang laman sa upuan, at alam ko na tama lamang na ibinalik ko si Lola sa lugar kung saan siya ipinanganak.